Reading Time: 1 minute

Binitbit ng tinaguriang “Splash Brothers” na sina Stephen Curry at Klay Thompson ang Golden State Warriors tungo sa 116-94 win kontra sa Portland Trail Blazers sa Game 1 ng Western Conference Finals.

Nagpakawala ng 36 points si Curry, na binanderahan ng siyam nitong 3-pointers, habang nagdagdag naman ng 26 points si Thompson.

Naghatid din ng 12 points para sa defending champions si Draymond Green, na pinunan din ang pagkawala ni Kevin Durant na nagpapagaling sa natamo nitong calf strain.

Hindi pa rin umano inaasahang makakapaglaro si Durant sa Game 2 sa araw ng Biyernes na gaganapin uli sa Oracle Arena.

Samantala, inalat naman si Damian Lillard na tumabo ng 19 points para sa Blazers.

Umalalay din sina CJ McCollum, Maurice Harkless at Rodney Hood na pawang naglista ng tig-17 points.

Ang kapatid naman ni Stephen na si Seth ay nalimitahan din sa tatlong puntos para sa Portland.