-- Advertisements --

Asahan na ang kalat-kalat na pag-ulan sa maraming lugar sa bansa dahil sa epekto ng low pressure area (LPA) at ng southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa 4:00am weather forecast ng state weather bureau huling namataan ang LPA sa layong 975 kilometro silangan ng southeastern Luzon na may mataas na tsansang maging bagyo sa susunod na 24-oras.

Apektado ng naturang LPA ang Bicol Region, Eastern Visayas, Dinagat Islands at Surigao del Norte.

Samantala, sa Metro Manila, Mimaropa, Cavite, Laguna, Batangas, Zambales, Bataan, at natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao kung saan makakaranas din ng kalat-kalat na pag-ulan dulot parin ng habagat.

Inaabisuhan ang mga residente sa Palawan, Catanduanes, Sorsogon, Northern Samar, Eastern Samar, Antique, Negros Oriental at Negros Occidental na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa malalakas na buhos ng ulan.

Habang ang ibang bahagi ng bansa ay makakaranas ng panaka-nakang ulan o thunderstorms.