Pinayagan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na maipalabas sa mga sinehan ang award winning documentary na “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea,” na umiikot ang kwento sa buhay ng mga mangingisda sa pinagtatalunang karagatan.
Ayon sa MTRCB, kabilang ang dokumentaryo sa 287 na pelikulang inaprubahan ng Board para maipalabas sa mga sinehan sa unang kalahating taon ngayong 2025.
Isinumite ang dokyu ng Insight 360 Consultancy Services Inc. noon pang Marso 2025 kung saan klinasipika ito bilang rated PG (Parental Guidance) na maaaring mapanood ng mga batang edad 13 anyos pababa basta’t may kasamang magulang o nakatatanda.
Muli namang nagsumite ng aplikasyon para sa review ang producer nito na Voyage Film Studios Inc. noong Hunyo na may pamagat na “Food Delivery,” na nakakuha rin ng PG rating.
Inihayag naman ng review committee members na sina Ricardo Salomon, Jr., Richard Reynoso at Racquel Maria Cruz na mas mainam na gabayan ng mga magulang ang mga batang manonood upang mas maunawaan ang mga tema at eksena sa dokumentaryo.
Muli namang pinagtibay ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang commitment ng board sa pagsuporta sa mga pelikulang nagbibigay ng impormasyon at inspirasyon sa publiko.
Matatandaan, nagwagi ang Pinoy documentary sa direksiyon ni Baby Ruth Villarama sa 2025 Doc Edge Festival sa New Zealand. Nasungkit nito ang Tides of Change Award sa Best Festival Category, na itinuturing naman bilang isang malaking panalo para sa ating bansa sa gitna ng maritime conflict sa China.