-- Advertisements --

Nagsampa ng pormal na reklamo ang ilang indibidwal kabilang ang mga bishops, retired generals at civil society leaders laban sa kasalukuyang chairman ng Commission on Elections na si Atty. George Erwin Garcia.

Kung saan inihain ang reklamo sa National Bureau of Investigation Anti-Fraud Division ngayong araw kontra kay Chairman Garcia at siyam pang iba.

Base sa 15 pahinang reklamong isinumite sa kawanihan, dito nakapaloob ang akusasyong mayroong naganap na pangingialam sa transmission ng mga boto noong buwan ng Mayo.

Buhat nito’y inihain nila ang reklamong ‘system interference’ sa ilalim ng Paragraph 4 (a) ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Giit ng mga complainants na ilegal raw ang ginawa ng Commission on Elections na palitan ang certified at audited software program version na 3.4.0 sa Automated Counting Machines (ACMs) ng hindi sertipikadong program version na 3.5.0.

Kasama din rito ang alegasyong pag-lilinis o pag-delete ng nasa 5 milyon boto sa vote discrepancy na tanging COMELEC lamang ang gumawa nang walang presensya o partisipasyon ng kahit na sino sa 5 transparency groups.

Paglilinaw naman ng mga dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation na hindi nila nais sa isinampang reklamo na magsagawa ng ‘recount’ sa mga boto at ‘nullification’ sa naging resulta ng naganap na botohan.

Kasama sa mga naghain ng reklamo ngayong araw ay sina Atty. Alex Lacson at pati ang Isabela Vice Mayor ng Reina Mercedes na si Atty. Harold Respicio.

Sa panig naman ng Commission on Elections, bukas anila ang komisyon para sa imbestigasyon hinggil sa mga akusasyong ibinabato lalo na sa nagdaang eleksyon.