Nanindigan si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) spokesperson Lorraine Marie Badoy na walang iregularidad sa naging desisyon ng Department of National Defense (DND) na ibasura ang kasunduan nito sa University of the Philippines (UP).
Nakapaloob sa nasabing kasunduan na bawal pumasok sa mga campus ng UP ang miyembro ng militar o pulis nang walang pahintulot mula sa pamunuan ng unibersidad.
Ayon kay Badoy, ang 1989 agreement na ito ay pagpapakita umano ng kabutihang loob ng DND sa UP noong mga panahon na hindi pa raw batid ng bansa na unti-unti na pala itong nagiging sentro ng di-umano’y recruitment ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ang tinutukoy dito ni Badoy, na siya ring Presidential Communications Operations Office (PCOO) undersecretary, ay ang libo-libong mga kabataan na nahikayat sumapi sa CPP-NPA-NDF na may koneksyon aniya sa UP system.
Tulad na lamang ng Gabriela, League of Filipino Students, Anakbayan, College Editors Guild of the Philippines (CEGP), National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), at Katribu.
Bwelta pa nito na ang tinaguriang “Iskolar Ng Bayan” na dapat daw sana ay maaasahang magsilbi sa bayang nagpaaral sa kaniya, ay tila naging berdugong tagapagbigay ng hirap, pasakit at kumitil din ng kapwa Pilipino.
Dagdag pa ni Badoy na naging hotbed ng komunismo at ground zero ng mapanlinlang na recruitment ang pasilidad ng UP.