-- Advertisements --

Tinitiyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa publiko na kanilang binibigyang-pansin at seryosong tinutugunan ang mga alegasyon na inihain laban sa isang district engineer na nakatalaga sa lalawigan ng Batangas.

Kaugnay nito, nagpahayag ang DPWH na hindi nila kinukunsinti o pinapalampas ang anumang uri ng katiwalian sa kanilang hanay, at buo ang kanilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon ng mga kinauukulang awtoridad upang alamin ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon.

Bilang aksyon, agad na ipag-uutos ng DPWH ang pag-relieve sa nasabing opisyal mula sa kanyang kasalukuyang pwesto.

Kasabay nito, ipapataw rin ang preventive suspension sa district engineer habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matiyak na walang magiging impluwensya ang opisyal sa paglilitis.

Mariing iginiit ng ahensya na sino mang empleyado, opisyal man o hindi, na mapatunayang nagkasala sa anumang paglabag sa batas o panuntunan ng ahensya ay dapat managot sa kanilang mga aksyon at harapin ang buong bigat ng batas.

Kaugnay ng alegasyon, matatandaang lumutang ang balita na ang isang district engineer na nagngangalang Abelardo Calalo, na naka-assign sa Batangas, ay na-entrap umano.

Nakatakda siyang sampahan ng kaso bukas ni Representative Leandro Leviste matapos ang alegasyon na tangka umano nitong suhulan ang mambabatas ng halagang P360 milyon.

Ang nasabing insidente ay kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad.