-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Pinawi ng militar ang pangamba ng mga residente ukol sa deklarasyon ng Martial Law sa Negros Oriental kasunod ng serye ng pamamaslang sa lalawigan.

Una nang sinabi ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo na pinag-aaralan ang Martial Law declaration sa Negros Oriental matapos umabot sa 21 ang bilang ng mga pinatay mula noong Hulyo 18.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 303rd Infantry Brigade commander Brigadier General Benedict Arevalo, nilinaw nitong iba ang Martial Law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kaysa ngayon dahil walang suspension ng writ of habeas corpus.

Hindi rin aniya mawawala ang kapangyarihan ng local government officials na namumuno sa kanilang bayan.

Kagaya ng Batas Militar na kasalukuyang ipinapatupad sa Mindanao, wala naman aniyang reklamo ukol sa human rights violations.

Mas mainam nga kung may Batas Militar ayon kay Arevalo, dahil marami ang checkpoint operations at madadagdagan ang bilang ng tropa ng pamahalaan sa Negros Oriental na pinapasalamatan ng mga residente kagaya noong ipinatupad sa Moises Padilla noong election period.