-- Advertisements --

Kinuwestyon ng kampo ni former Sen. Bong Revilla Jr. ang isinumiteng manipestasyon ng ilang mga kapwa-respondents nito sa reklamong plunder na kinakaharap.

Ayon kay Atty. Francesca Señga, tagapagsalita ng dating mambabatas, ikinagulat umano nila ang hindi pagsusumite nina former Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo, Engr. Henry Alcantara, at Gerard Opulencia ng kontra-salaysay.

Kahapon kasi sa naganap na preliminary investigation ukol sa reklamong plunder na isinampa laban sa kanila, ay personal itong dinaluhan ng mga respondents.

Ngunit tanging si former Sen. Bong Revilla Jr. lamang ang naghain ng ‘counter-affidavit’ sa prosekusyon habang ang mga kapwa-respondents ay hindi.

Ibinahagi ng tagapagsalita ni Revilla na nagsumite kasi ng manipestasyon ang ito nagsasabing hindi na nila sasagutin ang naturang reklamo sapagkat nasa ilalim na ng Witness Protection Program o mga state witnesses na.

Kung kaya’t dahil rito’y inihayag pa ng naturang tagapagsalita ang kanilang lubos na pagtataka kung bakit tila maiiwan na lamang sa kaso ay si former Sen. Bong Revilla Jr.

Hinaing niya’y pawang lumalabas na hindi patas o ‘unfair’ ito para sa dating mambabatas dahil matapos sampahan ng reklamo ay tanging si Revilla ang posibleng makasuhan.

Ang panig naman ng ilang respondents na sina former Public Works Usec. Roberto Bernardo at Henry Alcantara ay tumanggi nang magbahagi ng kumpirmasyon o kumento hinggil rito.

Habang si former Sen. Bong Revilla ay may pasaring sa mga indibidwal na pilit siyang idinadawit sa isyu ng korapsyon sa flood control.

Kwestyon ng dating mambabatas na papaano pa raw nakatutulog ang mga ito na nag-aakusa sa kanya.