Nahaharap sa mga reklamong kriminal na isinampa ngayong araw sa Office of the Ombudsman si Vice President Sara Duterte.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng plunder, malversation, graft, bribery, at iba pang kaukulang kaso kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ayon sa mga complainants na pinangungunahan nina Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Robert Reyes, at dating opisyal ng pamahalaan, umaasa silang pagtitibayin ng Ombudsman ang kanilang mga reklamo.
Batay sa mga pagdinig sa Kongreso, lumabas na ang P125 milyon confidential funds ng OVP ay nagmula sa contingent funds ng 2022 national budget.
Ang naturang halaga ay umano’y nagastos sa loob lamang ng labing-isang araw, bagay na nagdulot ng mas malalim na pagdududa sa paggamit ng pondo.
Kasama rin sa mga reklamong isinampa ang paggamit ng confidential funds ng DepEd noong siya ang kalihim.
Ang kabuuang confidential funds na umabot sa P612.5 milyon ay sinasabing ginamit nang walang malinaw na breakdown ng gastusin.
Ang mga complainants ay binubuo ng mga lider mula sa simbahan, akademya, at civil society na nananawagan ng transparency at accountability.
Sa ngayon, nakabinbin sa Ombudsman ang mga reklamo na maaaring magbukas ng malawak na imbestigasyon laban sa ikalawang pangulo.
















