Opisyal nang hiniling ng pamahalaan ng Pilipinas sa International Criminal Police Organization (Interpol) ang paglabas ng red notice laban kay dating kongresista Zaldy Co.
Kinumpirma ito ni National Bureau of Investigation (NBI) spokesperson Palmer Mallari sa isang panayam.
Aniya, idinaan ng pamahalaan ang formal request sa Philippine Center on Transnational Crime.
Kapag naaprubahan ang red notice, ipapadala ito sa lahat ng bansang miyembro ng Interpol upang ipagbigay-alam na mayroong warrant laban sa dating kongresista mula sa isang korte sa Pilipinas.
Dahil kanselado na rin ang pasaporte ni Co, maaari na siyang arestuhin ng mga lokal na awtoridad sa anumang bansang kinaroroonan niya, sa ngalan ng paglabag sa immigration laws.
Sa tulong ng red notice, mas mapapadali ang pagtunton at pag-aresto sa puganteng si Co upang tuluyang maibalik sa Pilipinas at panagutin sa kinakaharap na kaso.
















