Dalawang gintong medalya na ang ambag ng jiu-jitsu team para sa Pilipinas sa nagpapatuloy na 2025 Southeast Asian Games.
Kapwa nagpakita ng impresibong performance sina Filipino jiu-jitsu artists Kimberly Custodio at Dean Roxas sa kanilang magkasunod na laban sa Ronnaphakat Building sa Navaminda Kasatiryahiraj Air Force Academy.
Nagawa ni Roxas na pataubin ang Singaporean na si Aacus Hou Yu Ee sa Jiujitsu-Ne-Waza -85 kgs sa pamamagitan ng maikling submission. Una niyang tinalo ang mga pambato ng Vietnam at Indonesia sa elimination rounds.
Ito ang kaniyang ikalawang gintong medalya sa parehong event. Ang una ay noong 2019 SEA Games.
Nagawa naman ni Custodio na pataubin ang kaniyang nakalabang Thai fighter na si Sugun Nutchaya sa 48kg ne-waza jiu-jitsu.
Nakapagbulsa ang Pinay martial artist ng tatlong puntos sa huling 30 segundo ng laban, dahilan upang pumabor sa kaniya ang naging desisyon ng judges.
Ito ang kaniyang unang gintong medalya sa SEA Games.
Ang dalawang gintong medalya sa jiu jitsu ay ang ikatlo at ika-apat na ginto ng PH sa nagbabatuloy na regional sports competition.













