-- Advertisements --

Umaasa si Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino na mas marami pang panalo ang maiuuwi ng mga atletang Pinoy sa susunod na taon.

ito ay kasunod ng magandang performance ng bansa sa katatapos na 33rd Southeast Asian Games.

Ayon kay Tolentino, bagaman nagtapos ang Pilipinas sa ika-anim na pwesto, ang kanilang panalo sa pinakamahihirap na sports ay magandang sinyales ng magandang performance.

Tinukoy ng opisyal ang isang analysis mula sa Vietnamese online platform kung saan 70% ng mga gold medal na napanalunan ng Pilipinas ay pawang Olympic sports.

Kinabibilangan ito ng athletics (five golds), swimming (3), gymnastics (3), triathlon (3) at modern pentathlon (3).

Naging makasaysayan din ang panalo ng Pilipinas sa women’s football, men’s baseball, tennis, basketball, contact sports, atbpa.

Giit ni Tolentino, mas marami pang kompetisyon sa ibang bansa ang nakatakdang salihan ng Pilipinas sa susunod na taon at tiyak na muling gagawa ang mga atleta ng record sa mga papasuking kompetisyon.

Ilan dito ang Milano Cortina Winter Olympics mula February 6-22; Sanya Asian Beach Games mula April 22-30; Aichi-Nagoya 20th Asian Games mula September 19 hanggang October 4, atbpa.