-- Advertisements --

Naniniwala si Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham ‘Bambol’ Tolentino na ang patuloy na pag-kuwesyon ng Team Philippines sa iba’t-ibang event sa nagpapatuloy na Southeast Asian Games 2025 ay nagdudulot ng malaking epekto sa medal race.

Mula noong unang araw ng turneyo, umaapela na ang Philippine official ng patas na laro, balanseng kompetisyon, at maayos na officiating sa bawat event.

Tinukoy ni Tolentino ang nangyayaring pagbulsa ng Thailand ng napakaraming gintong medalya sa loob lamang ng pitong araw kung saan umabot na ito sa 161 gold at 104 silver medals.

Ito ay malayong-malayo kumpara sa medal tally ng iba pang mga bansa tulad ng Pilipinas.

Ayon kay Tolentino, kailangang mabantayan ang nagpapatuloy na turneyo at handa ang Team Philippines na maghain ng pormal na reklamo anumang oras, tulad ng nauna nang ginawa ng bansa.

Kabilang sa mga naunang iprinotesta ng Team Philippines ang ilang boxing events kung saan kuwestyunable umano ang naging resulta tulad ng naunang laban nina Hergie Bacyadan at Nesthy Petecio, dalawa sa mga Olympic boxers ng bansa.