Ikinatuwa ng PhilHealth ang naging pasya ng Korte Suprema na ibalik sa kanila ang P60 billion remit mula sa National Treasury, at sinabing magiging malaking tulong ito para mapalawak ang benepisyo at mapabuti ang kanilang serbisyo.
Ayon kay PhilHealth spokesperson Israel Francis Pargas, inaasahang maibabalik ang pondo pagpasok ng 2026 matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang national budget.
Magugunitang sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema, walang bisa ang probisyon sa 2024 budget na nag-utos sa paglipat ng pondo, dahil ito ay nagdulot lamang ng “grave abuse of discretion.”
Inatasan ang Kongreso, Department of Finance, at Executive Secretary na isama ang P60 billion bilang tiyak na alokasyon sa 2026 General Appropriations Act.
Samantala, sinabi ni House Deputy Speaker Janette Garin na walang ibang opsyon ang Kongreso at ehekutibo kundi sundin ang direktiba ng SC. Tinuligsa rin niya ang panawagang pondohan ang ahensya sa mga narekober na pera at ari-arian mula sa flood control scam, dahil kulang at matagal umano ang proseso ng asset recovery.
Inihayag din ni Garin na bukod sa P60 billion na ibabalik sa PhilHealth, may karagdagang P53 billion subsidy na ina-prubahan ng House sa 2026 budget, dahilan para umabot sa P113 billion ang kabuuang pondo ng PhilHealth sa susunod na taon.
Binigyang-diin pa ng Kongresista na dapat magpatuloy ang imbestigasyon at pananagutan sa flood control corruption kahit na maibalik ang pondo sa PhilHealth.
















