Hangad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Pasko na magkaroon ng mahusay at maayos na budget ng bansa.
Tugon ito ng Pangulo sa kaniyang podcast interview ng tanungin kung ano ba ang gusto niyang makamit ngayong Pasko.
Aniya, ang pagkakaroon ng maayos na budget ang magiging “pinakamagandang Christmas gift” mula sa lehislatura.
Ayon sa pangulo, nais niyang mabigyan sana sila ng kongreso ng magandang budget ngayong Pasko na tiyak aniyang magpapaganda sa buhay ng mga Pilipino.
Inaasahang maisusumite ng bicameral conference committee ang enrolled copy ng 2026 general appropriations bill para kaniyang mapag aralan at mapirmahan upang ganap na maging batas bago ang araw ng Pasko.
Matatandaan na naging kontrobersyal ang 2025 pambansang budget dahil nabalutan ito ng matinding korapsyon at diumanoy mga insertion na nagdidiin sa ilang mambabatas sa isyu ng mga anomalya sa flood control projects.
Dagdag ng Pangulo, kung may isa pa siyang hindi materyal na hiling, ito ay ang magkaroon ng mas maraming oras kasama ang kanyang pamilya isang bagay na mahirap makamit dahil sa bigat ng tungkulin ng pagkapangulo.
Bagaman nami-miss niya ang simple at payapang pamumuhay noon sa Ilocos, sinabi niyang masaya siyang maglingkod dahil ang pagkakataong makatulong sa buhay ng kapwa ay “pinakamalaking pribilehiyo” ng sinumang nasa public service.
















