Reading Time: 2 minutes
IMG 20190718 194112

Pormal nang isinampa ni Peter Jomel Advincula alyas Bikoy bilang testigo ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang patong-patong na kasong kriminal laban kina Vice President Leni Robredo at 29 iba pa.

Ang kaso ay may kaugnayan sa “Ang Totoong Narcolist” videos na nag-uugna kay Pangulong Rodrigo Duterte at ilang miyebro ng kanyang pamilya sa iligal na droga.

Mga reklamong sedition, inciting to sedition, cyber libel, libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice ang isinampa ng PNP-CIDG sa Department of Justice (DoJ).

Kasama sa mga kinasuhan sina Atty. Romulo Macalintal mga kasalukuyang senador na sina Risa Hontiveros at Leila de Lima, mga dating senador Bam Aquino at Antonio Trillanes IV at dating Supreme Court (SC) PIO Chief Theodore Te maging si dating Solicitor General (SolGen) Florin Hilbay mga pari at obispo sa pangunguna ni Archbishop Socrates Villegas at iba pang kilalang personalidad at mga John at Jane Does.

Ang mga naturang personalidad umano ang nasa likod nang pagpapakalat ng ang totoong narco-list videos.

Pinanumpaan naman ni Advincula ang kanyang sinumpaang salaysay na bilang testigo ng PNP-CIDG sa harap ni DoJ Associate Prosecution Attorney Leslie Ann Po.

Kaagad namang pag-aaralan ng task force on special cases ng DoJ ang reklamo ng PNP at Advicula para matukoy kung dapat bang ipatawag ang mga respondents para magbigay naman ng kanilang panig kaugnay ng mga naturang reklamo.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Gadon, sinabi nitong matibay ang kanilang mga ebidensiya na magdidiin sa mga taong nasa likod ng kontrobersiyal na video laban sa pangulo.

IMG 20190718 143109 1

Ayon kay Atty. Gadon, ginawa mismo ang serye ng mga kontrobersiyal na video sa Communications Center ng Ateneo De Manila University (ADMU) at doon din isinagawa ang pag-upload nito sa internet.

Sinabi ni Atty. Gadon na consistent ang kanyang kliyente sa mga detalye kung paanong ginawa ang video at sino ang mga taong nasa likod nito at kahit anya pagbalibaligtarin ang tanong dito ay iisa ang sagot ni Bikoy.