Nagkasa ngayong araw ang COMELEC ng Voter’s Education at BARMM Stakeholders Briefing sa lungsod ng Zamboanga para mahikayat ang mga taga-Bangsamoro na bumoto sa Parliamentary Elections sa Oktubre 13.
Tinalakay sa pagpupulong ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa eleksyon, na ipinaalalang kailangang isa-isang dumaan sa verification.
Kabilang din ang pagsasanay para sa electoral board na magsisimula sa Setyembre, gayundin ang deployment plan ng mga election paraphernalia tulad ng ballot boxes na kailangang ibiyahe sakay ng barko mula Maynila patungo sa iba’t ibang lugar sa BARMM.
Binigyang-diin din ang impormasyon hinggil sa allocation ng mga upuan para sa mga kinatawan ng political party sa regional parliament, district at sectoral representatives.
Aminado kasi ang poll body na batay sa survey na kanilang natanggap, mababa ang bilang ng mga nais bumoto sa BARMM Elections kaya mahalaga aniyang maipaunawa sa mga botante kung bakit kritikal ang kanilang paglahok sa eleksyon.