-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Umani ng sari-saring reaksyon ang lumutang na kuhang video na makikita ang isang pulis na ipinapaputok ang kalibre 38 na baril ng suspek na napatay sa ikinasa na anti-illegal drugs operation sa Purok 4, Barangay Batangan,Valencia City, Bukidnon.

Ito ay matapos unang nagbigay ng narrative report ang Valencia City Police Station sa Police Regional Office 10 na nakapagsagawa sila ng buy bust operation laban sa suspek na si Pol Estañol kasama ang ibang special units subalit kanila umanong napatay nang manlaban dahil ayaw magpa-aresto.

Subalit ang hindi alam ng mga operatiba na kinunan ng actual video footage ang pangyayari mismo ng pamilya ng suspek kaya nahagip ng celphone camera ang bahagi na pinulot ni late Police Cpl Benzon Gonzales ang kalibre 38 na baril at tatlong beses na ipinapapuputok na tumugma sa recovered fired cartridges sa crime scene.

Bagamat mayroon ding recovered fired cartridges ng 9mm pistols mula sa mga otoridad na ginamit nang i-neutralized ang suspek sa nabanggit na operasyon.

Subalit paliwanag naman ni Valencia City Police Station commander Lt Col Cipriano Bazar Jr na kaya naipaputok ni Gonzales ang baril ng suspek ay dahil sa sobrang galit sa kasagsagan ng operasyon.

Iginiit ni Bazar na lehitimo ang kanilang operasyon laban sa suspek at hindi sila nagtatanim ng mga ebedensiya.

Katunayan,ipinaubaya na lamang nila sa provincial office ng Bukidnon PNP ang pangyayari upang maiwasan ang haka-haka na mayroong white wash o cover up sa nabanggit na anti-illegal drugs operation.

Magugunitang ilang araw matapos ang pagkamatay ng suspek ay pumanaw rin si Gonzales dahil hindi nakayanan ang tinamo na mga sugat sa katawan nang masangkot sa madugo na aksidente pagkatapos dumalo ng court hearing sa Malaybalay City,Bukidnon.

Naganap ang madugo na buy-bust operation laban suspek Pebrero 20 habang naaksidente naman si Gonzales petsa 28 ng katulad na buwan at tuluyang pumanaw unang linggo ng Marso 2021.