DAVAO CITY – Nananatiling naka-isolate si Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte matapos makaranas ng flu-like symptoms at naghihintay pa rin ng test result para sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Mayor Inday Sara Duterte-Carpio, may tatlong sintomas na si Baste na kinabibilangan ng lagnat, ubo at sore throat, kaya ikinonsidera ito bilang “person under monitoring.”

Nabatid na nasa 14-day self-quarantine ang bise alkalde kasunod ng kanyang biyahe sa Metro Manila apat na linggo na ang nakakaraan.

Sa kasalukuyan, tanging clearance mula sa doktor ang hinihintay ng presidential son.

Samantala, nasa mabuti naman aniyang kalagayan si First District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa kabila ng napabalitang may tauhan ng House of Representatives ang namatay matapos nagpositibo sa COVID-19.