Ikinokonsidera ng pamahalaan ang pagbaba ng excise tax sa mga produktong petrolyo bilang tugon sa inaasahang pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, mas mainam ito kaysa magpatuloy sa pagbibigay ng subsidiya. Dagdag niya, tinitingnan nila ang mga “trigger points” upang masigurong mapanatiling kontrolado ang inflation.
Una nang nagbabala ang mga eksperto na maaaring tumaas ng hanggang P5 kada litro ang presyo ng gasolina ngayong linggo matapos bombahin ng Amerika ang tatlong nuclear site ng Iran.
Iminungkahi ng mga ekonomista mula na mas praktikal ang pagbawas ng buwis kaysa sa mga direktang pagbibigay ng ayuda. Sa ilalim kasi ng TRAIN Law, ang excise tax sa petrolyo ay nasa P3 hanggang P10 ang kada litro.
Bagama’t bumaba ang inflation sa 1.3% noong Mayo, nananatili paring banta ang posibleng pagsirit ng presyo ng petrolyo kung lalala ang tensyon sa Middle East, lalo na kung maaapektuhan ang Strait of Hormuz—ang pangunahing ruta ng langis patungo sa Asya.