Ceres vallacar transit
Ceres transit

BACOLOD CITY – Agad na nagpaabot ng tulong ang Ceres Negros Football Club sa organizing team ng Southeast Asian Games football tournament.

Kasunod ito ng reklamo ng ilang international football teams sa matagal na paghihintay sa airport at pagsiksikan sa maliit na e-jeep at problema na rin sa accommodation.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Ceres Negros-FC administrator Nicholas Golez, nagbigay daw sila ng 18 mga bus mula sa Vallacar Transit Incorporated upang magamit ng mga football teams sa transportasyon.

Labing-isa umano na mga bus ang ginagamit ng men’s team, anim naman ang sa women’s team at may isang spare bus in case of emergency.

Ayon kay Golez, agad nilang inasikaso ang mga permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang makatulong.

Dagdag pa nito, hindi nag-atubiling magbigay ng libreng serbisyo ang presidente at chief executive officer ng Yanson Group of Bus Companies na si Leo Rey Yanson.

Nabatid na si LRY ang may-ari ng Ceres Negros-FC na isa sa mga top football club sa bansa.

Ang 18 Ceres buses ang gagamitin ng football teams hanggang Disyembre 11.