-- Advertisements --

Sinibak sa puwesto ang ilang opisyal ng Bureau of Corrections na camp commander at commissioned officer ng isang kulungan dahil sa tangkang pagpupuslit ng kontrabando.

Tinanggal ni Bureau of Corrections Director Gregorio Pio Catapang Jr. sina Corrections Chief Inspector Francisco Madrid at Corrections Technical Inspector Edgar Laudencia.

Base sa pahayag, planong ipuslit sana sa loob ng kulungan ang mga kontrabando kasabwat ang isang dump truck na nakita sa labas ng Sablayan Prison and Penal Farm.

Habang kinilala ang drayber nito na si Rob Antaran at iprinesenta ang permit na pirmado ng camp commander na si Madrid kaya’t nakapasok sa pasilidad dala-dala ang mga kargamentong graba at buhangin.

Nang makarating sa nakatalagang ‘unloading area’, tumangging ibaba ng drayber ang mga karga nito at sinabing sira umano ang hydraulic system ng trak.

Una ay ilang beses itong sumunod sa instruksyon ng mga personnel ngunit kalauna’y umamin itong mayroon pang iba ang laman ng kanyang trak.

Dito na nasabat ng mga otoridad ang mga kontrabandong higit 200 bote kasama pati ang mga produktong tobako.

Bunsod nito’y iniutos na ni Bureau of Corrections Director Gregorio Pio Catapang Jr. ang isang malalimang imbestigasyon kung mayroon pang ilang sangkot na tauhan.

Habang ang dalawang sinibak na opisyal ay inilipat muna sa Directorate for Personnel and Human Resource Development sa National Headquarters ng kawanihan sa lungsod ng Muntinlupa.