Pinanigan ng Estados Unidos ang Pilipinas sa ginawang pagtataboy ng Chinese Coast Guard sa supply vessel ng bansa sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Sinabi ni US State Department Spokesperson Ned Price na base sa mutual defense treaty ay nasa likod sila para ipaglaban ang Pilipinas sa karapatan nito sa nasasakupang teritoryo.
Naniniwala ito na ang ginawa ng China ay hindi makatarungan at nakakasira ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Pinaalalahanan din ito ang China na dapat kilalanin ang 2016 arbitral ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na ibinabasura ang ginagawang pagpapalawak ng China sa bahagi na sakop ng West Philippine Sea.
Magugunitang itinaboy ng dalawang barko ng Chinese Coast Guard gamit ang water cannon ang barko ng Pilipinas na magdadala lamang ng mga suplay ng pagkain sa mga sundalo ng bansa na nakatalaga sa Ayungin Shoal.
Mariing pinabulaanan naman ito ng China at sinabing nag-trespass umano ang Pilipinas sa karagatang sakop nila kaya ginawa lamang umano ng kanilang coast guard ang trabaho na itaboy ang supply vessel ng Pilipinas.
“The United States stands with our ally, the Philippines, in the face of this escalation that directly threatens regional peace and stability, escalates regional tensions, infringes upon freedom of navigation in the South China Sea as guaranteed under international law, and undermines the rules-based international order,” bahagi ng statement ni Ned Price. “The United States stands with our Philippine allies in upholding the rules-based international maritime order and reaffirms that an armed attack on Philippine public vessels in the South China Sea would invoke U.S. mutual defense commitments under Article IV of the 1951 U.S. Philippines Mutual Defense Treaty. The United States strongly believes that PRC actions asserting its expansive and unlawful South China Sea maritime claims undermine peace and security in the region.”