Naaresto ng mga pulis ang isa sa pitong suspek na sangkot sa pagnanakaw ng bag ni Commission on Elections (COMELEC) chairman George Erwin Garcia sa isang kainan sa Pasay City nitong Martes ng tanghali.
Ayon kay Pasay City Police Chief Col. Joselito De Sesto, isang babae na umano’y lider ng grupo ang natunton at nadakip sa isinagawang follow-up operation sa Bacoor, Cavite.
Nabawi rin ng mga awtoridad ang bag ng COMELEC Chief na naglalaman ng ilang personal na gamit gaya ng cellphone at mga ID, ngunit wala na ang perang laman nito.
Patuloy namang tinutugis ang anim pang kasabwat na kabilang sa grupo, na ayon sa pulisya ay matagal nang gumagala sa Metro Manila at karatig-lalawigan gamit ang parehong modus.
Dagdag pa ni De Sesto, dati nang nakulong ang mga suspek sa iba’t ibang kaso ng pagnanakaw ngunit paulit-ulit na bumabalik sa ilegal na gawain.