-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala ang lawyers/commuters group sa patuloy na pagkaantala ng jeepney modernization program, na ayon sa kanila ay nagdudulot ng dagdag na pahirap sa publiko.

Sa eksklusibong panayam sa Star FM Cebu, ibinahagi ni Atty. Albert Sadili, tagapagsalita ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), ang kanyang mga saloobin ukol sa isyu.

Aniya, nakakalungkot na patuloy ang pagkaantala ng implementasyon ng programa, na matagal nang inaasahang magbibigay ng mas ligtas, episyente, at modernong sistema ng pampasaherong transportasyon.

Ipinahayag ni Sadili na ang jeepney modernization program ay dapat sana’y naisakatuparan na, subalit ang mabagal na pag-usad nito ay sanhi ng iba’t ibang mga isyu, kabilang na ang kakulangan sa kakayahan ng mga jeepney drivers at operators na makabili ng modernong units.

Gayunpaman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na tulong at subsidiya mula sa gobyerno upang matulungan ang mga naapektuhang tsuper at operator na hindi malugmok dulot ng mga pagbabagong ito.

Paliwanag pa ni Sadili, bagamat sumusuporta sila sa jeepney modernization, nais nilang matiyak na ang mga benepisyo nito ay makakarating din sa mga drivers at operators.

Aniya, may mga kasalukuyang programa at pag-uusap na tungkol sa financial assistance, at umaasa siyang mapapabilis ito upang agad maramdaman ng mga pasahero ang mga benepisyo ng mas modernong transportasyon.