-- Advertisements --

Masusing binabantayan ngayon ng Armed Foces of the Philippines (AFP) ang isang Chinese Navy tugboat na namataan malapit sa nakasadsad na barko ng Pilipinas na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, inisyal na namataan ang tugboat ng People’s Liberation Army-Navy (PLA-N) kahapon, Lunes, Agosto 25.

Pinawi din ng opisyal ang pangamba sa posibleng paghatak ng Chinese maritime forces sa BRP Sierra Madre na nagsisilbing outpost ng Pilipinas sa Ayungin.

Ipinunto ng PN official na kakailanganin ng mahigit sa isang tugboat para mahatak ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin dahil maigting itong nakasadsad sa corals.

Saad pa ni Rear Adm. Trinidad, bagamat hindi ito dapat ikaalarma, hindi aniya ito rason para hindi sila maghanda sa paghatak ng barko paalis sa lugar kung sakali.

Paliwanag pa ni Trinidad na sa kanilang assessment, ang deployment ng Chinese tugboat ay posibleng para sa kanilang pansariling pangangailangan para hatakin ang kanilang sariling mga barko na maaaring sumadsad sa mababaw na parte ng shoal.

Sa kabila naman ng presensiya ng mga sasakyang pandagat ng China sa lugar, tiniyak ni Trinidad na ipagpapatuloy ng Sandatahang Lakas ang pagsasagawa ng resupply missions sa Ayungin.

Base sa AFP nitong Lunes, mayroong 13 Chinese militia boats at dalawang barko ng China Coast Guard ang namataan sa Ayungin Shoal na tinatayang nasa 2 hanggang 2.5 nautical miles ang layo mula sa BRP Sierra Madre.