Mariing tinuligsa ngayon ni US President Joe Biden si dating Pangulong Donald Trump at mga supporters nito na binansagan niyang mga “ekstremistang” grupo.
Nagbabala si Biden na matindi umano ang layunin ni Trump at ang kanyang mga supporters na nagdudulot ng panganib sa demokrasya ng Estados Unidos.
Tinukoy din ni President Biden ang mga kapanalig ni Trump maging ang mga nasa Republican na kaaway ng demokrasya.
Nangangamba ang pangulo ng Amerika sa mga Republicans na takot daw kay Trump kaya yumakap na rin ang mga ito sa Make American Great Again (MAGA).
Naniniwala si Biden na si Trump at ang mga “MAGA” republicans ang nagbabanta sa pundasyon ng US republic.
“But there’s no question,” patuloy na pahayag ni Biden, “that the Republican party today is dominated, driven and intimidated by Donald Trump and the Maga Republicans, and that is a threat to this country.”
Dagdag pa ni Biden, walang lugar sa Amerika ang mga pampulitikang karahasan.
Tulad na lamang nang nangyari noong nakaraang taon na pag-atake sa US Capitol.
Tiniyak naman ni Biden ang pagkakaisa, at pagsasama-sama sa layunin na ipagtanggol ang demokrasya ng bansa.
Ginawa ng Democratic president ang kanyang speech sa makasaysayang Independence Hall sa Philadelphia, kung saan ito ang lugar na doon pinirmahan noon ang US Declaration of Independence.
Ang mga babala ni Biden ay sa gitna rin ng umiinit na politika sa Amerika kung saan dalawang buwan na lamang ay isasagawa na ang mid-term elections.
Kritikal ang halalan dahil dito makikita ang resulta ng tinatawag na “power balance” sa mga mahahalal sa kanilang kongreso.
“For a long time… we told ourselves that American democracy is guaranteed. But it’s not. We have to defend it. Protect it. Stand up for it. Each and every one of us.”