-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na mga labi ng tao ang narekober ng mga awtoridad ngayong araw sa bahagi ng Taal lake.

Ito’y sa patuloy pa ring pagsasagawa ng inilunsad na ‘search and retrieval operations’ upang mahanap ang mga labi ng ‘missing sabungeros’ na inilibing umano sa naturang lawa.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kumpirmadong ‘human remains’ o mga labi ng tao ang nakuha sa ikinasang operasyon ngayong Martes.

Aniya’y nadiskubreng ito ay mga buto ng tao partikular sa parte ng ‘tadyang’ o ‘rib bones’ ang matagumpay na narekober sa pangunguna ng Philippine Coast Guard.

Dagdag pa niya, sa kabuuan ay apat na sako ang naiahon mula sa lawa ng Taal, dalawa dito ay naglalaman ng buhangin o pabigat habang dalawa naman ay mga labi ng tao.

‘May nahanap today sa Taal lake na human remains in the area pointed to us by our sources that were also identified by alyas Totoy…ribs na ribs na, yung tadyang na yung ribs ng tao,’ ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice (DOJ).

Samantala bahagi sa naging pulong balitaan ng Department of Justice, natalakay rin dito ang iba pang may kaugnayan sa kaso ng biglaang pagkawala.

Kung saan ibinahagi ni Sec. Remulla na ang isa sa mga bangkay na lumutang noong 2020 ay pinaghihinalaang biktima rin ng ‘disappearances’ o pagkawala.

Aniya’y tatlong bangkay ito at ang tinutukoy niyang isa rito ay posibleng may kaugnayan sa isyu ng e-sabong.

‘Lumalabas talaga meron talagang ganong incident na na-report about a woman who was abducted in Lipa,’ ani pa Sec. Jesus Crispin Remulla ng DOJ.

Kaugnay ito sa mga ipinahukay ni Justice Secretary Remulla na mga labi sa isang sementeryo sa Batangas.

Kaya’t kanyang ipinaliwanag kung bakit kinakailangan itong muling makuha na sinasabing may koneksyon sa mga isiniwalat din ni alyas Totoy.