Nagpaalala at inalerto na rin ng Department of Agricuture (DA) ang mga magsasaka at mangingisda sa posibleng banta na hatid ng Bagyong Crising.
Batay kasi sa inilabas na abiso ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services (PAGASA), kabilang sa mga posibleng maapektuhan ng bagyo ang ilang mga bahagi at lugar sa Northern Luzon at maging sa rehiyon ng Bicol.
Kasunod naman ng naturang abiso ay agad na nagbigay ng abiso ang DA sa mga magsasaka at mangingisda na umpisahan nang anihin ang kanilang mga pananim at mga gulay bago pa ito maging isa sa maaapektuhan ng pag-ulan at malalakas na hangin dulot ng Bagyong Crising.
Pinayuhan rin ng tanggapan ang mga magsasaka na ilagay na sa ligtas at matataaas na lugar ang mga reserbang binhi, maski ang mga planting materials, mga farm inputs at pati na rin mga makinarya upang hindi rin masira kung sakali mang maging malakas ang epekto ng bagyo.
Inabisuhan na rin ng DA ang mga lokal na pamahalaan na linisin ang mga daluyan ng tubig para sa mga irigasyon at mga pilapil upang maiwasan ang pagtaas ng tubig o pagbaha.
Samantala, para naman sa mga mangingisda, inatasan na ng ahensya ang mga ito na hanguin na ng maaga ang kanilang mga nahuling isda at ipagpaliban din muna ang pagpapaloat sa mga lugar na nakakaranas ng malalakas na hangin at hampas ng alon dulot pa rin ng bagyo.
Isa naman ang DA sa mga ahensya na inatasan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa ilalim ng Red Status Alert na magbigay ng koordinasyon sa kanilang operations center para sa agaran at mabilis na pagpapaaabot ng assistance sa mga mamamayan.