Ibinaba na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 2 ang security alert sa bansang Iran.
Ito ay kasunod na rin ng paghupa ng sitwasyon sa naturang bansa kasunod ng ipinairal na ceasefire o tigil-putukan sa pagitan nila ng Israel
Ayon sa ahensiya, agad na magiging epektibo ang Level 2 o Restriction Phase.
Matatandaan na nauna ng itinaas ng Pilipinas sa Alert Level 3, na nagmamandato ng voluntary repatriation para sa mga Pilipino noong nakalipas na buwan dahil sa nakakaalarmang palitan ng missile at air strikes sa pagitan ng Iran at matagal na nitong kaalitan na Israel.
Gayundin, sinuspendi ang deployment o pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino at pagbiyahe sa naturang bansa dahil sa banta sa seguridad.
Sa kabila naman ng pagbaba na ng alert level sa Iran, patuloy pa rin ang pagtulong ng Embahada ng Pilipinas sa Tehran para sa mga Pilipinong nais na boluntaryong ma-repatriate.
Maalala na tumindi pa ang sigalot sa pagitan ng Iran at Israel noong Hunyo 13 kasunod ng pag-atake ng Israel sa military at nuclear facilities ng Iran, dahilan para gumanti ang Islamic Republic ng missile barrage laban sa Israel na ikinasawi ng mahigit 1,000 katao at ikinasugat ng mahigit 4,000 indibidwal sa panig ng Iran habang 29 katao naman ang napaslang at mahigit 3,000 ang sugatan sa panig ng Israel.