Naglabas ng panibagong makatindig-balahibong rebelasyon ang whistleblower at isa sa mga suspek sa kaso ng mga nawawalang sabungero na si Julie Patidongan alyas Totoy.
Ibinunyag ni alyas Totoy na dinukot umano ang mga sabungero at pinaslang sa isang slaughterhouse malapit sa isang fishpond sa Laurel, Batangas.
Kung saan ilan aniya sa mga biktima na sangkot sa game fixing ay itinapon sa may Taal Lake. Nauna nang siniwalat din ni Patidongan na ilang mga labi ng mga sabungero ay may nakataling sandbag para hindi lumutang at manatili sa ilalim ng lake.
Kwento pa ng whistleblower na ang sistema ay dinudukot ng mga suspek ang mga sabungero saka sa sunod na araw kukunin nila ang bayad sa kanila na kalahating milyong piso at kanilang pinapatay lahat ng sangkot mapa-bata man o buntis at walang itinitira.
Sinabi din ni alyas Totoy na may ilang pulis na dawit umano sa kaso ang nais na magsalita ng kanilang nalalaman at handang makipagtulungan sa mga awtoridad.
Isa nga dito ang tinatawag na “Vito” na inilarawan ni alyas Totoy na isang lieutenant colonel na nagsilbing team leader. Binayaran umano ito ng P2 million kada buwan para sa kaniyang naging papel.
Nakatakda naman magsumite na si Patidongan ng kaniyang official affidavit sa araw ng Lunes kaugnay sa kaso ng missing sabungeros.