-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na kanilang sinusuri na ngayon ang ilan pang iba na posibleng mga ebidensyang nakakalap hinggil sa pagkawala ng mga sabungero.

Ayon mismo sa kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Jesus Crispin Remulla, mayroon silang mga ebidensya ang patuloy na isinasailalim pa sa pagsusuri upang magamit sa paghahain ng kaso.

Habang kanya namang ibinahagi na katuwang ang legal team ng Department of Justice, masusing pinag-aaralan pa din ang mga kasong isasampa laban sa mga indibidwal na sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.

Mayroon raw kasing mga nakitang problema sa umuusad na ‘case build-up’ ng kagawaran ngunit kanyang itinanggi munang ibahagi ang karagdagang impormasyon hinggil rito.

Bunsod nito’y kumpyansa si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na umuusad ang kanilang imbestigasyon at unti-unti ng nagkakaroon ng kaliwanagan lalo na sa inilunsad na ‘case buildup’.

Habang kanyang sinabi na kritikal ang mga susunod na linggo sa pag-usad ng kaso buhat ng ito’y patuloy ng iniimbestigahan ng kagawaran.

Kaya’t tiwala ang naturang kalihim na mareresolba ito at tuluyang masasampahan ng kaukulang kaso ang mga nasa likod sa pagkawala ng mga sabungero.

Sa kabila nito, binigyang diin naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tanging Department of Justice ang dapat manguna sa paglalabas ng impormasyon hinggil sa kaso.

Ito aniya ang nararapat para magkaroon raw ng iisang boses at mas maayos na koordinasyon sa mga inilalabas sa publiko.

Ngunit kanyang pagtitiyak na ang isinasagawang imbestigasyon ay katuwang nila ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang tuluyang masampahan ng kaso ang mga sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.