-- Advertisements --

Isinusulong ng administrasyon ni US President Donald Trump ang pagdaragdag ng firing squad, electrocution, at gas asphyxiation bilang alternatibong paraan ng execution sa federal level, ayon sa ulat ng Justice Department.

Ayon sa report, layunin nitong tugunan ang kakulangan sa lethal injection drugs at matiyak na maipapatupad ang parusang kamatayan kahit may limitasyon sa supply.

Bahagi ito ng hakbang ni Trump na ibalik ang federal executions matapos alisin ang moratorium ng nakaraang administrasyon.

Sa kasalukuyan, higit 40 kaso ang isinusulong para sa death penalty, bagaman wala pang umaabot sa aktwal na execution. Tatlo lamang ang natitirang nasa federal death row matapos i-commute ng dating administrasyon ang karamihan ng sentensya.

Umani naman ito ng batikos mula sa human rights groups at ilang mambabatas, na nagsabing ang mga naturang paraan ay malupit at hindi makatao.

Gayunman, iginiit ng Justice Department na kinakailangan ang mga alternatibong ito upang maipatupad ang batas.