Pinasinungalingan ng US Navy ang claim ng China na inisyuhan umano ng warning at itinaboy nila ang guided missile destroyer na USS Higgins habang nagsasagawa ng misyon sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal).
Ginawa naman ng US Navy ang paglilinaw matapos sabihin ni Senior Captain He Tiecheng ng People’s Liberation Army Southern Theater Command na pinakilos nila ang kanilang Chinese military para imonitor, isyuhan ng warnings at itaboy umano ang USS Higgins.
Subalit ayon kay US 7th Fleet Commander Megan Greene, walang katotohanan ang pahayag ng China.
Wala din aniyang nangyaring untoward incident habang nasa kasagsagan ng misyon ang barko ng Amerika kahapon, Agosto 13.
Nilinaw din ng US Navy official na nagsagawa lamang ng freedom of navigation operations ang USS Higgins alinsunod sa international law at nagpatuloy sa pagsasagawa ng normal nitong operasyon, at nang natapos ito ay umalis na sa lugar.
Nauna na ngang namataan ang barko ng Estados Unidos sa naturang karagatan dalawang araw matapos ang collision o banggaan sa pagitan ng dalawang barko ng China sa lugar noong araw ng Lunes, Agosto 11 habang hinahabol ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Suluan.
Maliban sa USS Higgins, namataan din ang littoral combat ship na USS Cincinnati na nagsagawa ng operasyon para sa malayang paglalayag sa distansiyang 30 nautical miles mula sa shoal.