Hindi naging sagabal sa Philippine at US Army ang mga serye ng pag-ulan na dulot ng bagyong Bising at Habagat para makumpleto ang mga nakahanay na aktibidad sa US-Philippines Salaknib Exercises 2025.
Isinagawa ang joint army exercises sa Northern Luzon na pangunahing nakaranas ng mga pag-ulan dahil sa dalawang weather system.
Ayon kay Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema Ala, maayos na naisagawa ang mga nakahanay na military activities sa naturang simulation, kabilang na ang test fire sa ilang missile system, ground force movement, at iba pa.
Nagawa aniya ng dalawang army na pag-aralan ang iba’t-ibang military tactics na pangunahing pokus sa mga serye ng simulation habang natukoy din ang mga gap o puwang na dapat matugunan sa mga susunod na military exercises.
Sa 2025 iteration ng Salaknib, ipinasok dito ang konsepto ng full-battle test hindi tulad nitong mga nakalipas na taon na tanging operational concept lamang ang nagiging pokus ng simulation.
Sa 2025 exercises, bahagi na ng naturang military exercises ang movement o deployment ng mga sundalo mula sa isang lugar patungo sa mga tinukoy na magsisilbing battleground, pagbibiyahe sa mga gamit-pandigma, at tuluyang paggamit sa mga ito sa mga larangan ng giyera.
Isa sa mga sentro ng training ay ang paggamit sa High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS), isang light multiple rocket launcher na ginagamit ng US Army – Indo-Pacific Command.
Pinag-aralan ng PA aniya ang lahat ng salik para sa operasyon ng naturang rocket system para magamit din ng hukbo kung sakaling mapag-desisyunan ng pamahalaan na kumuha ng naturang rocket system.
Ang Salaknib Exercises ay isa sa joint military exercises na nasa ilalim ng Balikatan Exercises. Ito ay sa pagtutulungan ng hukbong katihan o ground forces sa pagitan ng US at Pilipians.
Opisyal na magtatapos ang 2025 iteration sa Lunes, July 7.