Palalawakin ng U.S. State Department ang kanilang screening sa social media accounts ng mga foreign journalist na nag-aapply ng visa upang magtrabaho sa Estados Unidos.
Ang hakbang ay kabilang sa ilalim ng pinalawak na polisiya ng administrasyon ni U.S. President Donald Trump nang magsimula ang ikalawang termino nito noong Enero 2025.
Kakailanganin ding gawing public ng mga aplikante ang kanilang social media accounts upang masuri ng mga opisyal ng US.
Sasailalim din sa kaparehong screening ang mga aplikante para sa ilang work visas ng mga manggagawa mula sa Canada at Mexico.
Bagama’t hindi kinumpirma ng U.S. State Department ang nilalaman ng internal memo, sinabi nitong ginagamit ang tinatawag na “online presence vetting” upang matiyak na kwalipikado ang mga aplikante sa ilalim ng batas ng Amerika at hindi banta sa pambansang seguridad, kaligtasan ng publiko, o pambansang interes.
Ayon pa sa ahensya, gumagamit ang mga visa officer ng iba’t ibang paraan sa pagbusisi ng mga aplikasyon upang maiwasan ang pandaraya at maprotektahan ang seguridad ng bansa.
Hindi pa malinaw kung kailan ipatutupad ang pinalawak na patakaran.
Noong nakaraang buwan, naghigpit din ang Department of Homeland Security (DHS) sa mga panuntunan sa pananatili ng mga foreign journalist, international students, at iba pang visa holders sa Estados Unidos.
Dahil dito, nagpahayag ng pag-aalala ang ilang civil liberties advocates, na nagsabing maaaring maapektuhan ang kanilang freedom of speech.
Nauna nang sinabi ng U.S. Citizenship and Immigration Services (USCIS) na sinusuri rin nito ang social media posts ng mga immigrant at visa applicants, kabilang ang mga itinuturing nitong antisemitic o anti-American.
Bukod dito, kinansela rin ng administrasyon ang visa ng ilang foreign students na sangkot sa pro-Palestinian protests at sinikap ding ipa-deport ang ilan sa kanila.
















