-- Advertisements --

Nagsasagawa ang mga service member ng Armed Forces of the Philippines kasama ang United States Armed Forces ng Cyber Defense Exercise (CYDEX) bilang parte ng nagpapatuloy na taunang Balikatan exercise.

Sa isang statement, sinabi ng AFP na sinimulan ang naturang pagsasanay noong araw ng Lunes, Abril 21 na magtatagal hanggang sa Mayo 9 ng kasalukuyang taon.

Inobserbahan naman ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa Colombian Armed Forces, United States Indo-Pacific Command (INDOPACOM), Canadian Armed Forces, Japan Air Self-Defense Force, Philippine Coast Guard (PCG), at AFP Cyber Command’s Cybersecurity Incident Response Team.

Ayon sa AFP, isang mahalagang bahagi ang CYDEX sa Balikatan exercise ngayong taon na idinisenyo para palakasin pa ang mutual cyber defense capabilities at pahusayin pa ang interoperability sa pagtugon sa mga umuusbong na hamon sa digital.

Dito, nagsama ang mga tropa ng Pilipinas at Amerika para sa simulation ng real-world scenarios, nagpalitan ng pinakamahusay na kasanayan at para bumuo ng isang coordinated response strategies para depensahan ang kritikal na information infrastructure.

Binigyang diin naman ng AFP na ang Cybersecurity ay isang mahalagang aspeto ng moderno o makabagong operasyon ng militar at sa pamamagitan aniya ng CYDEX, matutugunan ang cyber challenges.

Ang naturang pagsasanay ay hindi lamang aniya magpapahusay sa technical capabilities subalit magpapalakas din sa tiwala at koordinasyon kasama ang mga kaalyadong bansa.