Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang umano’y maling interpretasyon sa pahayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. hinggil sa pansamantalang pagde-deploy ng Typhon missile system ng Estados Unidos sa bansa.
Ito ay matapos akusahan ni Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte si Brawner na umano’y nagyayabang sa kakayahan ng naturang missile system na kaya nitong maabot ang China, at inakusahan pa itong nagsusugal sa buhay ng mga Pilipino kapalit ng pakikipag-alyansa sa Amerika.
Sa pahayag ng AFP, nilinaw nitong si Gen. Brawner ay nagbigay lamang ng teknikal na impormasyon at ipinaliwanag na ang presensiya ng missile system ay para sa pagsasanay at capability-building bilang bahagi ng AFP modernization program.
Mariing itinanggi rin ng AFP na ito ay kumikiling sa banyagang interes, at iginiit na lahat ng inisyatibong pangdepensa at pakikipag-ugnayan ay alinsunod sa independent foreign policy ng Pilipinas.
Nanawagan din ang AFP sa mga opisyal at opinion leaders na maging maingat sa kanilang mga pahayag upang hindi magpalaganap ng maling impormasyon o kawalan ng tiwala sa militar.
Giit ng AFP, nananatili itong tapat sa tungkulin na paglilingkod sa Pilipino, at pagprotekta sa Pilipinas.
















