-- Advertisements --

LA UNION – Dalawa na lamang sa apat na sugatan sa nangyaring car crash sa Singapore ang nananatili ngayon sa pagamutan, base sa official statement na inilibas ng Embahada ng Pilipinas sa bansang Singapore.

Una nang nakalabas sa ospital ang dalawang sugatan sa insidente noong Disyembre 30, 2019 kabilang dito si Laila Laudencia ng San Fernando City, La Union na kasalukuyan nang nagpapagaling sa bahay ng kapatid ng kanyang employer sa bansang Singapore.

Ang isa sa dalawang OFW na namatay sa naturang trahedya ay naiuwi na at nakarating na rin sa bansa nitong madaling araw ng Huwebes na si Arlyn Nucos na taga Caba, La Union.

Habang ang isa pang namatay na Pinay worker ay ibibiyahe pauwi sa Pilipinas ngayong araw, Enero 2.

Nagpasalamat din ang opisina ng Phil. Embassy to Singapore sa pangunguna ni Ambassador Joseph Del Mar Yap ang dalawang mataas na opisyal ng Singapore, sina Dr. Vivian Balakrishnan ng Minister for Foreign Affairs of Singapore at Madame Low Yen Ling, Senior Parliamentary Secretary ng Ministry of Education and Ministry of Manpower of Singapore sa ginawa nilang pagbisita sa dalawang OFW na naka-confine pa sa ospital doon.

Kabilang na dito si Arcely Nocus, na kapatid ng namatay na si Arlyn Nocus.

Nangako ang Embahada ng Pilipinas at Department of Foreign Affairs sa Manila na patuloy nilang tutukan ang pangangailangan ng mga biktima hanggang sa kanilang pamilya.