Suportado ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang mga hakbang ng Philippine National Police (PNP) na linisin ang hanay ng pulisya, lalo na sa mga pulis na mabibigo o magkukulang sa kanilang tungkulin.
Ayon kay Napolcom Executive Director Rafael Vicente Calinisan dapat ay mabigyan ng sapat na ‘elbow room’ si Police Gen. Nicolas Torre III upang maisagawa ang mga hinahangad na pagbabago sa hanay ng pulisya.
Mahalaga aniya na mapagbigyan ang bagong Chief PNP sa kaniyang mga inisyatibang linisin ang hanay ng pulisya dahil tiyak ding babalik sa kaniya kung hindi niya gagampanan ang trabaho.
Inihalimbawa ng opisyal ang 5-min response time na unang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong PNP Chief kasabay ng kaniyang pag-upo.
Ang ginagawa ng pulisya na tuluyang pagpapalit sa mga non-performing police official at mga ground commander aniya ay bahagi lamang ng hinahangad na reporma sa hanay ng PNP.
Bagaman inaasahang maraming mga pulis ang maaapektuhan o masasagasaan, tiyak aniyang sa huli ay makabubuti rin lang ito sa mga pulis at sa mga komunidad, na kapwa naghahangad ng mabilisang pagtugon sa iba’t-ibang mga krimen.
Nanindigan ang Napolcom Chief na kung kailangan mang magtanggal ng mga pulis na hindi makakasunod sa mga bagong polisiya, hahayaan umano nito si Gen. Torre III dahil tiyak na ikabubuti rin lang ito ng organisasyon.