Hindi exempted si Pang. Ferdinand Marcos, Jr. sa probisyon ng 2026 General Appropriations Act (GAA) na nagbabawal sa presensya ng mga pulitiko sa pamamahagi ng mga tulong ng pamahalaan sa publiko o anti-epal provision.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, agad inatasan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tanggalin ang tarpaulin na may larawan ng pangulo, na nadiskubreng nakapaskil sa isang payout center, kung saan ipinamahagi ang cash relief assistance sa mga PUV driver na apektado ng mataas na presyo ng langis.
Pinaalalahanan naman ng Palasyo ang mga lokal na pamahalaan sa naturang probisyon ng batas, na huwag gamitin o samantalahin ang mga payout activity ng gobyerno, para angkinin at isulong ang kanilang mga personal na interes at pamumulitika.
Binigyang-diin ni Castro, na sa kabila nito, mahalaga pa ring malaman ng taumbayan ang mga programa ng pangulo, bilang paalala na aktibong umaaksyon ang presidente sa mga pangangailangan ng publiko sa gitna ng matinding sitwasyon.
















