Pinag-aaralan na ng Social Security System (SSS) ang pagpapatupad ng loan moratorium o ‘yung pansamantalang pag-hinto ng mga singilin sa inyong mga loan, gayundin ang condonation o pag-multa sa mga employer na mahuhuling maghuhulog ng kontribusyon.
Ang hakbang ay upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga empleyado at employer sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga gastusin dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.
Samantala, pinalalakas naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang mga programa upang matulungan ang mga manggagawang apektado ng krisis, lalo na ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na lubhang tinamaan ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Kasabay nito maglalaan ang DOLE ng P1.2 billion pondo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program, na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga displaced at marginalized workers. Posible ring isama sa benepisyo ang iba pang sektor tulad ng tricycle drivers, magsasaka, at mga mangingisda.
Sa ilalim ng TUPAD, maaaring makakuha ang mga benepisyaryo ng 10 hanggang 90 araw na pansamantalang trabaho.
Bukod dito, isinusulong din ang iba pang hakbang tulad ng pagpapalawak ng job fairs, livelihood programs, at tulong sa mga nagbabalik na overseas Filipino workers (OFWs).
Nanawagan naman si Senador Erwin Tulfo na ibalik ang work-from-home setup at ang paggamit ng carpooling upang makatipid sa gastos sa transportasyon.















