-- Advertisements --

Nanawagan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko na huwag gawing biro ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Middle East.

Kung saan nagbigay paalala ang naturang kagawaran na iwasang magpakalat o makiiisa sa mga pasimuno ng maling impormasyon hinggil sa tensyon sa pagitan ng bansang Israel at Iran.

Ito mismo ang binigyang diin ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan ukol sa kanilang pagtugon sa mga Pilipinong apektado ng sitwasyon sa ibang bansa.

Giit kasi niya na marami umanong naglipanang mga peke o maling impormasyon na nakadaragdag lamang para magdulot ng takot at pangamba sa publiko.

Dagdag pa rito, binigyang linaw naman ng Department of Migrant Workers na wala umano silang pinipili pagdating sa kung sino ang kanilang tutulungan.

Ayon kasi kay Undersecretary Felicitas Q. Bay, hindi lamang raw mga dokumentadong Pilipino ang bibigyan ng tulong kundi maging ang mga ‘undocumented’ Overseas Filipino Workers din.

Maalala na kanila ng binigyang tulong ang unang batch ng mga repatriated OFWs na galing sa bansang Israel at iba pa na apektado sa hidwaan ng Israel at Iran.

Kung saan nakatanggap ang mga ito ng nasa 150,000 Pesos nang sila’y matagumpay at ligtas makauwi pabalik ng Pilipinas.

Hindi lamang raw ito mula sa Department of Migrant Workers kundi bunga ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.