-- Advertisements --
Mario Anacleto Bañez
Mario Anacleto Bañez/ IBP La Union

LA UNION – Kasong murder ang isinampa laban sa apat na suspek na umano’y responsable sa pamamaslang kay RTC Judge Mario Anacleto Bañez na nakatalaga sa Tagudin, Ilocos Sur.

Isinampa ang kaso sa sala ni Atty. Robert F. Fangayen, Associate City Prosecutor, City of San Fernando, La Union.

Dalawa sa mga apat na suspek ang pinangalanan na ni Pol. Col. Jay R. Cumigad, La Union Police Director at SITG Bañez head.

Ang mga ito ay kinilalang sina Napoleon Taliño ng Becques, Tagudin, Ilocos Sur na sinasabing mastermind at ang gunman na si Vladimir Binayug Arcaina a.k.a KIDLAT, nakatira sa Bahay Turo, Quezon City.

Ang pangatlong suspek na isang babae ay hindi na pinangalanan ni Cumigad dahil posibleng maging testigo habang ang pang-apat ay nananatiling ‘John Doe’.

Sinabi sa Bombo Radyo La Union ni Col. Cumigad, nakilala ang mga suspek base sa kuha ng CCTV na ipinadala at sinuri sa Camp Crame.

Samantala, tumanggi si Cumigad na sagutin ang tanong kung ano ang motibo sa nangyaring krimen.

Matatandaang binaril ng riding-in-tandem suspects si Judge Bañez habang pauwi na ito sa kanilang bahay sa Barangay Dallangayan Oeste dito sa syudad at sakay ng kanyang kotse, sa Barangay Mameltac road noong Nobyembre a-5 ngayong taon na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.