-- Advertisements --

Nakatakdang iimbitahan ng Malacañang na makibahagi sa Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) ang mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na nagsabing bagsak ang grado ng pamahalaan kaugnay sa pagtugon nito laban sa COVID-19 pandemic.

Magugunitang inihayag ni Associate Professor Maria Corazon Tan ng UP Diliman – College of Social Work and Community Development na bigo ang pamahalaan na pairalin ang transparency, accountability at respeto sa karapatang pantao at kinuwestiyon din nito ang aniya’y militaristic approach ng pamahalaan.

Batay naman sa naging assessment ni dating UP Diliman Chancellor and Professor Emeritus Michael Tan, makalipas ang higit apat na buwang mga lockdowns, hindi pa rin napipigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, tinatanggap nila ang mga reaksyong ito mula sa mga eksperto at personal niyang titiyaking mapapadalhan ng imbitasyon ang mga ito.

Inihayag ni Sec. Roque na ang UP, bilang isang institusyon ay malaki ang ginagawang pag-alalay sa pamahalaan kaugnay sa nagpapatuloy na laban nito sa kasalukuyang health crisis at nagtitiwala sila dito.