-- Advertisements --

Muling nabuhayan ng loob ang kaanak ng mga nawawalang sabungero sa paglantad ng testigong si alyas ‘Totoy’ hinggil sa kaso.

Sa ginanap na pakikipagdayalogo ng mga pamilya ng ‘missing sabungeros’ sa Department of Justice, inihayag nilang nakakita sila ng pag-asa kasunod ng mga rebelasyong inilantad.

Kung saan matapos ang ilang taon buhat ng mapaulat ang pagkawala ng mga sabungero, muli nanamang nagkaroon ng panibagong mga ulat sa pag-usad ng kaso.

Ayon sa isa sa mga kaaanak ng missing sabungeros na si Janice Esplana, ang paglabas ni alyas ‘Totoy’ at pagbunyag ng mga impormasyong kanyang nalalaman ang siyang kanyang kinakapitan para makamtam ang hustisya.

Aniya pa niya’y positibo ang kinalabasan ng naganap na pagpupulong kasama ang kagawaran ng hustisya hinggil sa mga pag-uusap ukol sa pagkawala ng kanilang mga kaanak.

Pagkatapos naman ng isinagawang pagpupulong sa Department of Justice, ang isa pang kaanak ng mga biktimang sabungero na si Francsca Ramos ay ibinahagi ang kanyang kahilingan hinggil sa kaso.

Emosyonal niyang inihayag ang panawagan at hiling na matagpuan kahit pa mga labi na lamang ng kanyang minamahal sa buhay.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa pagkawala ng mga sabungero upang matukoy ang katotohanan sa likod ng kaso.