Gazini Ganados
Gazini Ganados/ IG post

CEBU CITY – Malaking karangalan at napakagandang balita umano para sa University of San Jose Recoletos (USJ-R) ng Cebu City ang pagkapanalo ng isa sa kanilang tourism associate graduate na si Miss Universe Philippines 2019 Gazini Christiana Ganados na tubong Talisay City.

Ayon kay Edmund Navarro, sports analyst at naging instructor ni Ganados sa USJ-R, unang beses palang niyang nakilala si Gazini ay may nakita na siyang espesyal dito na tila malayo ang mararating ito.

Hindi rin aniya maipagkakaila na kakaiba talaga ang ganda ni Gazini.

Sa pag-aaral nito sa USJ-R ay naging kaibigan niya si Ganados na inilarawan niya bilang mabait na tao, positibo sa buhay, relihiyosa at “willing to learn.”

Napag-alaman na maliban kay Ganados, si Miss Earth 2014 Jamie Herrell ay naging estudyante rin ng USJ-R at naging kaibigan din ni Navarro.

Aniya, ang dalawang beauty queen na naging parte ng kanilang institusyon ang nagsisilbi nilang inspirasyon.

Nagpapatunay lang umano ito na ang lahat ay posiblie kung magsisikap lang para abutin ang anumang pinapangarap.