CEBU CITY – Kinumpirma ni Dr. Jaime Bernadas, ang regional director ng Department of Health Region (DOH)-7, na mayroon nang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) patient sa lalawigan ng Cebu na ngayon ay nasa Mandaue City.

Ayon kay Bernadas, kasalukuyang nasa Mandaue City ang pasyente pero ito ay nasa “recovering condition” na. 

Pinabulaanan naman nito ang kumakalat na balita na pumalo na sa pito ang bilang ng nasawi sa Cebu dahil sa COVID-19.

Aniya, wala silang hawak na data o natanggap na report kaugnay sa alegasyon na ito.

Tiniyak naman nito na patuloy silang magbibigay ng update hinggil sa sitwasyon sa lalawigan kaugnay sa kinakatakutan na COVID-19.

Gayunman, base sa kanilang latest data, 61 na lamang ang “persons under investigation” sa Central Visayas mula sa dating 76.

Ito ay matapos na nag-negatibo sa COVID-19 ang 14 na samples na kanilang ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine.