Pagdedebatehan sa isasagawang high-level emergency special session ng United Nations General Assembly ngayong bisperas ng unang anibersaryo ng Russian invasion sa Ukraine ang isang resolution para pagbotohan ang apela para sa ceasefire at kapayapaan para sa soberanya ng Ukraine.
Maaalala, una ng humiling ang Ukraine sa European Union na bumalangkas ng resolution sa pakikipag-konsulta sa member states ng UN para makalikom ng matatag na suporta mula sa international community para sa kapayapaan sa Ukraine.
Sa naging talumpati ni UN Secretary General Antonio Guterres, tinawag nito ang anibersaryo ng pag-atake ng Russia sa Ukraine bilang isang grim milestone sa mamamayan ng Ukraine at para sa international community.
Ayon naman kay US ambassador to the United Nations Linda Thomas-Greenfield, hinihimok ng nasabing resolution ang 193-member states na suportahan ang diplomasiya, komprehensibo at pang-matagalang kapayapaan para sa Ukraine.
Ang pagboto aniya sa resolution ay magiging bahagi na ng kasaysayan at dito makikita kung ano ang posisyon ng lahat ng nasyon sa usaping pangkapayapaan para sa Ukraine.
Nasa 60 mga bansa ang nag-sponsor ng resolution kung saan hinihikayat ang Russia na agad at tuluyan ng umatras ng walang hinihinging kapalit mula sa teritoryo ng Ukraine.