-- Advertisements --

Hindi babalewalain ng House Committee on Ethics and Privileges ang ginawa ng isang kongresista na nanuod ng online sabong habang nasa sesyon ng Kamara nuong Lunes.

Ito ang inihayag ni House Ethics Committee Chairman at 4Ps Partylist Rep. JC Abalos.

Ayon kay Abalos, ang kanilang magiging aksyon hinggil dito ay idadaan sa tama, marangal at makatarungang paraan ng pagwawasto sa mga pagkakamali ng mga mambabatas.

Binigyang-diin ni Abalos na mayroong dapat sundin na tamang proseso, mekanismo at pamantayan ang Kongreso pagdating sa pagdidisiplina sa kanilang mga miyembro.

Sinabi ni Abalos na sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo laban kay AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones na umamin na sya ang nasa viral na video at larawan na nanoond ng sabong sa session nitong Lunes.

Pinaalalahanan din ni Abalos ang mga mambabatas na mag-obserba ng tamang decorum o asal sa lahat ng oras.